Pamamahayag ng Kalayaan ng Pilipinas
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Pamamahayag ng Kalayaan ng Pilipinas ay naganap noong Hunyo 12, 1898, bandang ika-apat o ika-lima ng hapon, iprinoklama ni Don Emilio Aguinaldo y Famy, sa harap ng nakararaming sambayanang Pilipino ang Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Kabite dating Cavite el Viejo. Sa una ring pagkakataon ang unang watawat ng Pilipinas na ginawa sa Hong Kong ni Gng. Marcela Marino y Agoncillo, (kung saan naging katulong nito sa paggawa ng watawat sina Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza) ay siyang iwinagayway ng Ginoong Emilio Aguinaldo sa araw ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas. Isa lamang ang nasa isip ng Heneral, ang ideklara ang kalayaan ng pilipinas upang magbigay inspirasyon sa buong bayan na labanan ang mapangaping Kastila, at ipahatid sa iba pang bansang dayuhan na ang Pilipinas ay isang malayang bansa; bagamat tinutulan iyon ni Ginoong Apolinario Mabini, dahil sa layunin nitong itala ng maayos ang Pilipinas. Ngunit, hindi iyon naging isang hadlang sa mga adhikain ni Heneral Emilio Aguinaldo, bagkus tumayo ang Heneral at lumaban, at nakamit ang unang Republika.